 | SILA | Jul 1, '10 9:27 AM for everyone |
Ipagtipan mo ang iyong mga kamay na parang alay sa altar, at siya nila itong ibibilot ng lubid ng ubod ng higpit. Magsusugat at dadanak ang dugo mula sa iyong mga pulso, at iyong mararamdaman ang matinding alab.
At habang niyuyurak nila ang iyong sitwasyon sa pamamagitan ng kanilang matitinding halakhak at mapanuot na ngisi, isang ngiti ang tatakas mula sa iyong mga labi, sapagkat ang alab na iyong nararamdaman ay mula hindi sa panibugho, kundi'y sa tagumpay ng iyong sarili.
Sumisigaw ito, naghihimagsik, at sumisirit sa bawat butil ng iyong pagkatao. Hindi ito ang panahon ng pagsuko, kung iyon man ay dadating. Hindi dito ang lugar ng pagkatalo, kung ito man ay ginawa.
Hindi sila ang sisira sa iyo.
| |
|